2 patay, 1 sugatan matapos maipit ng 2 truck ang sasakyan

Giesaril Chai Tabunaway, ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 09:07 PM

Nagtulong-tulong ang mga residente ng Malungon, Sarangani upang iligtas ang mga sakay ng isang pick-up truck matapos maipit sa gitna ng isang dump truck at trailer truck, Miyerkoles.

Patay ang dalawang lalaki habang isa ang sugatan matapos maipit sa pagitan ng dump truck at trailer truck ang sinasakyang pick-up truck sa Malungon, Sarangani nitong Miyerkoles.

Dahil sa sobrang pagkakaipit, agad binawian ng buhay ang driver ng pick-up na si Norman de Cagalitan at si Ronald Lora, na nakaupo sa passenger seat.

Nakaligtas naman ang Filipino-German na si Martin Philipp Tan Sturm na may-ari ng pick-up at nagtamo ng ilang sugat. Tumanggi muna itong magbigay ng pahayag.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, nakasunod sa isang dump truck ang pick-up truck nang biglang dumating ang isang trailer truck at hindi naiwasang mabangga ang mga naunang sasakyan.

“Na-sandwich 'yung pick-up kasi naka-hold 'yung sasakyan, kasi one-way po ‘yon eh. 'Yung kabilang lane 'yung tumatakbo. So naka-stop sila kasi tumatakbo 'yung kabila. ‘Yung approaching na 'yung trailer truck, 'yung nakita niya (driver ng trailer truck) na, saka siya nag-apply ng break nang biglaan, tapos hindi kumagat 'yung break niya, kaya nabangga niya 'yung pick-up,” ani Police Sr. Insp. Arman Tuban.

Ayon naman sa driver ng trailer truck na si Ernesto Soministrado Jr., malayo pa lang ay nakita na niya ang pick-up kaya inapakan na niya ang preno. Ngunit hindi umano kinaya ng preno dahil mabigat ang karga ng sasakyan at pababa ang kalsada.

“Nakita ko 'yung isang dump truck at isang pick-up na nag-stop na. Ako naman, dahan-dahan pababa. Pag-apply ko ng preno, may preno man siya kaunti pero hindi niya kayang ihinto 'yung truck. Pagtingin ko sa bandang kaliwa kasi nagdesisyon ako na ibangga sa bundok, may kasalubong akong dalawang sasakyan. Kaya ‘yung pick-up ang nabundol ko,” aniya.

Humihingi siya ng paumanhin sa pamilya ng mga namatay dahil hindi raw nito sinadya ang nangyari.

“Wala naman akong kagustuhang mangyari 'yon kasi sa akin, naghahanap-buhay lang ako. Humihingi ako ng sorry sa lahat ng kamag-anak na patawarin sana ako sa nangyari kasi 'di ko naman talaga sinadya,” ani Soministrado.

Nagpaalala ang mga awtoridad sa mga motoristang mapapadaan sa accident prone areas sa Malungon.

“Sa mga gumagamit sa national highway ng Malungon... lalo na 'yung malalaking sasakyan, magdahan-dahan sa pagmamaneho at maging cautious dahil itong area sa Malungon national highway ay accident prone area po talaga ito,” ani Tuban.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng municipal police station ang driver ng trailer truck na maaaring maharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide and damage to property.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.