134 pulis-ARMM na nakidigma sa Marawi, pinarangalan

ABS-CBN News

Posted at Oct 25 2017 04:10 PM

Nawasak ang mga gusaling ito sa main battle area (MBA) sa Marawi, 5 buwan matapos ang labanan sa pagitan ng gobyerno at mga terorista. Fernando Sepe, Jr, ABS-CBN News

MANILA - Ginawaran ng "medalya ng kadakilaan", Martes, ang 134 na pulis-ARMM na tumulong sa pagtugis ng mga terorista sa Marawi. 

Limang buwan nagsilbi sa Marawi ang mga pulis bago magdeklara ang gobyerno nitong nakaraang Linggo na napalaya na ang siyudad. 

Binigyan ng heroes' welcome ang mga pulis nang makabalik sa ARMM police headquarters sa Parang, Maguindanao.

Tumanggap sila ng medalya dahil sa pagbawi sa Amai Pakpak Medical Center, pagligtas sa mahigit 100 hostage, pagkakapatay sa 18 terorista, pagkarekober ng 51 baril at pagsamsam sa 9 kilo ng hinihinalang shabu. 

Tumulong din ang grupo sa pagkalap ng impormasyong humantong sa pagkakapaslang sa terror leaders na sina Isnilon Hapilon at Omar Maute. 

Pinamunuan ni Senior Supt. Rolando Anduyan ang joint task group ng pulisya, na karamihan sa mga miyembro ay mula sa Regional Public Safety Battalion.
 
Nasawi ang 6 pulis habang nasugatan ang 61 nilang kasamahan sa 154-araw na digmaan sa Marawi, ayon sa ARMM police. 

Inaprubahan na din ng pamunuan ng pulisya ang 1-buwan na bakasyon para sa mga nadestino sa lungsod. 

Nagpadala na rin ang ARMM police ng panibagong pangkat ng 128 pulis para tumulong sa rehabilitasyon ng Marawi. Ulat ni Jasper Acosta, ABS-CBN News