PatrolPH

2 bata patay sa sunog sa Valenzuela

Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2022 09:13 PM

Patay ang magkapatid na may edad na tatlo at siyam matapos ma-trap sa nasunog nilang bahay sa Urrutia Street, Barangay Gen. T. De Leon, Valenzuela City Lunes ng umaga.

Ayon kay Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, bandang alas-8 ng umaga nagsimula ang sunog at tumagal ng 30 minuto.

"Unfortunately, dalawang bata pa ang naging casualty natin, age 3 and 9. The fire naman, actually na fire-out naman agad ng BFP, mabilis less than 30 minutes, wala naman issue sa responding and the water supply, equipment, wala naman issue, but unfortunately, the 2 children were trapped," ayon sa alkalde.

Nagtago umano sa palikuran ang mga bata at na-suffocate sa makapal na usok.

Tiniyak ni Gatchalian ang tulong para sa mga nasunugang pamilya, kabilang dito ang counselling sa ina ng mga nasawing bata.

"Iyong nanay is very emotional until now, na-shock sa pangyayari. Sa burial assistance, the City of Valenzuela is giving P7,000 per individual, para po sa tulong natin sa paglibing," ani Gatchalian.

"Affected neighbors will get financial assistance as well," pagtitiyak ng alkalde.

Pinaalalahanan ni Gatchalian ang mga residente na tiyaking nasa maayos na lagay ang mga kable ng kuryente sa kanilang bahay upang maiwasan ang insidente ng sunog.

"Very important talaga yung proper electrical wiring natin, specially (gawa sa) light material ang tahanan at reminder natin specially sa children, ilikas agad natin palabas sa nearest area. Itong situation nakita ko na hindi naman kalayuan sa main door, but the children decided to stay inside the toilet," aniya.

Paalala ni Senior Insp. Arvin Jude A. Rapano ng Bureau of Fire Protection-Valenzuela sa mga magulang, turuan ang mga anak ng mga dapat gawin sa oras na magkaroon ng sunog.

"Atin pong bigyan ng mga aral ang ating mga anak lalong lalo na kung ano ang gagawin nila kapag may sunog. Una sa lahat, huwag po natin ituro na kapag may sunog, sila po ay pupunta sa banyo o sa kahit anong lugar na sila ay magtatago. Ang best po na dapat gawin ay lumabas po ng nasusunog na bahay ng sa ganun ay maiwasan natin na ma-suffocate," ani Rapano.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng BFP sa nangyaring sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.