PatrolPH

TINGNAN: Pagbaha, pagguho ng lupa sa Samar, Aklan dahil sa LPA

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2021 11:21 AM | Updated as of Oct 24 2021 02:53 PM

MAYNILA (UPDATE) - Nagtala ng pagbaha at pagguho ng lupa sa Samar, Aklan at maging sa Oriental Mindoro nitong Linggo dulot ng ulang dala ng low pressure area.

Tatlong lane lang ng Calbayog-Catarman Road ang nadadaanan ng mga sasakyan matapos magkaroon ng paglambot ng lupa at landslide sa bahagi ng Brgy. Capacuhan, Calbayog City, Samar nitong umaga ng Linggo.

Rumesponde na ang Department of Public Works and Highways-Eastern Visayas sa lugar.

Sa Barangay Canlapwas sa Catbalogan City, isang lalaki ang na-rescue mula sa isang drainage Sabado ng tanghali kung saan siya nahulog matapos bumagsak ang lupang dulot umano ng mga pag-ulan sa lugar dahil sa LPA.

Ayon sa mga nakakita, naglilinis sa drainage sa ilalim ng kanilang bahay ang biktima at ang kaniyang kapatid nang magkaroon ng soil erosion.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang biktima at agad din itong nadala sa Samar Provincial Hospital para magamot ng mga doktor.

Sa Aklan, nakapagtala ng mga baha at minor landslide sa mga bayan ng Banga, Batan, Makato, Malinao at Numancia, sabi sa Teleradyo ni Cindy Ferrer, information officer ng Office of Civil Defense (OCD)-Western Visayas.

Hinihintay pa ng OCD-Western Visayas ang mga ulat sa eksaktong bilang ng mga pamilyang lumikas sa kanilang mga bahay at apektado ng pagbaha, ani Ferrer.

Watch more on iWantTFC

Sa ngayo'y wala pa ring naiuulat na nasawi o nasugatan sa mga pagguho.

Ayon kay Ferrer, bahagya na ring tumila ang malakas na ulan nitong hapon ng Linggo pero inaasahang bubuhos ulit ito sa darating na magdamag.

"We are closley monitoring actually 'yong buong probinsiya (Aklan) at buong Western Visayas. Naglabas na rin tayo ng flood advisory," ani Ferrer.

Sinabi rin ni Ferrer na tuloy pa rin ang operasyon ng mga airport at seaport sa probinsiya sa kabila ng masungit na panahon.

Sa Banga, pansamantalang hindi madaanan ng mga maliliit na sasakyan ang kalsada sa Brgy. Torralba, matapos umabot sa lagpas tuhod ang tubig-baha.

Sa video na ibinahagi ni Clarina Isagan, makikita ang ilang residenteng isinakay na sa balsang gawa sa kawayan ang kanilang motorsiklo. Ang iba naman ay itinulak na lang para makarating sa kabilang bahagi ng kalsada.

Kuha ni Clarina Isagan

Sa Kalibo, makikitang nagtulong-tulong ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at mga residente na itulak ang mga sasakyan sa mas mataas na lugar matapos bumaha sa sentro ng bayan.

Isa-isang inilikas at isinakay sa truck ng mga awtoridad ang mga residenteng nakatira malapit sa ilog matapos umabot hanggang dibdib ang tubig-baha sa ilang barangay ng bayan ng Makato.

Kuha ng Kalibo Fire Station
Kuha ng Kalibo Fire Station

Sa Batan, nasira ang ilang mga nitso sa Banga Municipal Cemetery matapos gumuho ang lupa sa lugar dahil sa malakas na buhos ng ulan.

Binaha rin ang ilang kalye sa Barangay Poblacion sa Puerto Galera, Oriental Mindoro.

Sa mga larawan na kuha ni Christian Justiniano bandang 6:40 a.m., makikitang halos umabot sa hanggang baywang ang baha sa ilang kalye.

Sabado pa malakas ang ulan sa Puerto Galera dahil sa LPA sa may Palawan.

Bumaba ang tubig sa bundok kaya bumaha simula pasado alas sais ng umaga.

Humupa rin ang baha makalipas ang 30 minuto.

Ayon kay Mayor Rocky Ilagan, catch basin ang Poblacion kaya mabilis na bahain.

Aniya, nag-request na sila ng pondo para sa flood control project.

-- Ulat nina Ronel Escaniel at Ranulfo Docdocan; at Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.