PatrolPH

Pulis na dawit umano sa gunrunning, patay sa operasyon sa Masbate

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2021 12:13 PM | Updated as of Oct 24 2021 12:14 PM

Patay ang isang pulis na dawit umano sa ilegal na pagbebenta ng mga baril matapos makipagpalitan ng putok sa mga umaarestong awtoridad sa Placer, Masbate nitong Sabado.

Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Staff Sgt. Grafilo Pahilino Jr., na nakadestino sa Cataingan Municipal Police Station.

Nauwi umano sa barilan ang entrapment operation na ikinasa ng mga pulis laban kay Pahilino sa may Baranagy Matagangtang bandang alas-7:20 ng umaga.

Sa ulat ng Bicol police, tatlong kalibre .38 revolver at isang kalibre .45 ang ibinenta umano ng suspek sa poseur-buyer kapalit ng P25,000.

Matapos ang palitan ng item, napansin umano ng suspek ang papalapit na mga pulis kaya binunot ang baril at pinaputukan ang poseur-buyer, na tinamaan sa braso.

Naisugod pa ang suspek sa ospital pero idineklarang dead on arrival.

Nakuha rin sa suspek ang isang government-issued 9mm pistol at 2 extra na magasin.

Ayon sa imbestigasyon, matagal na umanong sangkot sa pagbebenta ng mga hindi lisensyadong baril sa Masbate ang suspek. 

May kaugnayan din umano ito sa Bustillos drug group, na kilala sa pagpapalaganap ng ilegal na droga at nagsisilbing protektor ng ilang drug personalities sa probinsya.

— Ulat ni Karren Canon

FROM THE ARCHIVES

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.