Ilang lugar sa Oriental Mindoro, binaha dahil sa malakas na ulan

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2021 11:48 PM

Nalubog sa baha ang maraming lugar sa ilang bayan sa Oriental Mindoro dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng low pressure area.

Sa bayan ng Pola, hirap madaanan ang maraming kalye sa brgy. Casiligan at brgy, Maluanluan matapos na rumagasa ang baha.

Binaha rin ang mga barangay ng Pula, Panikihan, Malibago at Bacungan.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng mdrrmo para maitawid ang mga stranded na mga pasahero.

Watch more on iWantTFC

Ayon kay Jhonny Genabe, mdrrmo head ng bayan ng Pola, dalawang bahay ang tinamaan ng landslide sa barangay bayanan kaya inilikas ang dalawang pamilya.

Hindi pa mapasok ang Sitio Libas, barangay Calubasanhon na may naiulat na landslide.

Nagsimula ang malakas na ulan kaninang pasado alas tres ng hapon kaya pagsapit ng alas singko ng hapon agad nang rumagasa ang baha.

Sa bayan ng Naujan, baha na rin ang maraming lugar.

Hirap ng madaanan ang Strong Republic Nautical Highway sa Brgy. Adrialuna.

Rumagasa rin ang baha sa mga kabahayan sa brgy. Masagana pero hindi pa marating ang lugar.

Ayon kay Joery Gelorio, MDRRMO head ng Naujan, nasa orange alert level na ang mag-asawang tubig river.

Patuloy pang nag-iikot ang mga otoridad sa mga lugar na apektado ng pagbaha.

- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News