ALAMIN: Presyo ng mga Christmas decor sa Dapitan Arcade

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2020 03:47 PM

Ayon sa mga vendor sa Dapitan Arcade, mas kakaunti ang mga namimili ng Christmas decor ngayon. Pero umaasa silang bubuti ito oras na dumating ang Christmas bonus ng mga mamimili. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA— Namumutiktik na sa mga panindang dekorasyong Pamasko ang maraming pamilihan sa Dapitan Arcade sa Maynila. 

Pero ngayon, mas kakaunti ang mga namimili, ayon sa mga vendor. Ito'y sa gitna ng patuloy na banta ng COVID-19, kung saan may mga limitasyon pa rin sa paglabas. 

"Konti ang taong namimili, tapos panay ulan pa, kaya humina talaga ang kita namin ngayon. Halos kalahati," ani Shiela Sabio, isa sa mga nagbebenta ng Christmas decor sa tanyag na shopping arcade sa Maynila.

Para kay Mel Dayan, isa pang nagtitinda, mas nakabebenta sila noong nakaraang taon.

"Last year, medyo maganda ‘yung benta, kasi walang pandemic, [ngayon] 'yung mga senior hindi nakakalabas," ani Dayan. 

Watch more in iWantTFC

Ang ilang nagbebenta, mas pinalakas ang kanilang online selling at sila na mismo ang nagde-deliver kung malapit lang ang bahay ng kustomer. 

Nakapako rin ang presyo ng ilang Christmas decor sa mga tindahan. 

Christmas decorations sa Dapitan

  • Christmas tree → P700-P3,500
  • 100-count Christmas lights → P150-P250
  • Christmas balls → P150-P200/20 kada piraso
  • Christmas wreath → P150-P800
  • Belen → P200-P2,800
  • Parol (Capiz) → P1,000-P8,000
  • Santa Claus → P50-P8,000
  • Christmas village → P1,000-P8,000

Ayon sa ilang nagtitinda, bahagya namang umakyat ang kanilang benta kung ikukumpara sa mga nakaraang buwan. 

May ilang mamili naman ang dumayo pa mula sa mga kalapit na probinsiya. Pero may ilan na nagbawas ng budget sa pandekorasyon dahil apektado ng pandemya ang kita. 

Umaasa ang ilang nagtitinda na sa susunod na buwan o paglabas ng Christmas bonus ay mas makabebenta sila ng dekorasyon pamasko. 

— Ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.