Undas 2019: Daan-libong motorista sa mga expressway asahan simula Biyernes

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 03:27 PM

Daan-libong mga motorista na uuwi ng probinsiya para sa Undas ang inaasahang dadaan sa mga expressway simula Biyernes, ayon sa Metro Pacific Tollways Corporation. 

Sa tantiya nila, aabot sa 200,000 na sasakyan kada araw ang daraan sa Manila–Cavite Expressway mula Oktubre 26 hanggang Nobyembre 2, na itinuturing na "peak season" para sa Undas. 

Sa kada araw ng nasabing panahon, inaasahang papalo sa 280,000 ang bilang ng mga gagamit ng North Luzon Expressway habang inaasahang papalo sa 350,000 ang gagamit ng Subic–Clark–Tarlac Expressway. 

Imo-monitor naman ng MPTC ang pagdagsa ng mga motorista sa Balintawak, Mindanao Avenue, Bocaue, Sta. Ines, Tarlac, at Tipo Toll Plaza kung saan namumuo ang trapiko. 

Magdaragdag din ng quick response teams ang MPTC para sumaklolo kapag may sakuna. 

Itinigil din ang ano mang konstruksyon sa NLEX, SCTEX, at Cavitex hanggang makabalik ang mga motorista mula sa bakasyon. 

Maglalabas din ng live traffic situation ang mga expressway sa social media accounts nila. 

Tiniyak naman ng Toll Regulatory Board na ipapako ang presyo ng toll sa Undas hanggang matapos ang taon. 

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.