Poste ng kuryente, telco sa Pasay bumigay; mga establisimyento naperwisyo

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 04:34 PM

MAYNILA — Isang poste kung saan nakakabit ang mga kawad ng kuryente at linya ng telepono ang bumigay at humambalang sa Airport Road, Pasay nitong Huwebes ng madaling araw. 

Sakop ng posteng bumagsak ang 2 lane kaya naperwisyo ang mga motorista at ilang establisimyento.

Sa karinderya nila Adel Rizon, kandila lang ang nagbibigay liwanag matapos mawalan ng suplay ng kuryente. 

"Merong dumaan na trak tapos sumabit diyan sa wire. Pagsabit merong pumutok then umilaw then 'yung poste nakatumba na," ani Rizon. 

Hindi na naplakahan ang trak na agad tumakas. 

"Meron po kasing nabagsakan na isang van. Nabagsakan 'yung bumper. Sinubukan pang habulin pero hindi nakunan ng plate number," ani Rayward Palumige, traffic enforcer.

Ayon sa ilang residente, nakalaylay na rin ang mga kawad bago pa mangyari ang insidente.

Hinarangan muna ang Airport Road sa mga sasakyang papuntang Baclaran pero pasado alas-7 ng umaga ay naitabi na ang nakahambalang na poste.


—Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.