Bukod sa pagiging full-time guro, isang lisensiyadong embalsamador din si Leda Cariño. Elaine Fulgencio-Español, ABS-CBN News
BINALONAN, Pangasinan - Hindi isang ordinaryong guro si Leda Cariño.
Nasa 17 taon nang nagtuturo sa Linmansangan Elementary School sa nasabing bayan ang guro. Pero sa pagsapit ng gabi, may isa pa siyang pinapasukang trabaho: ang punerarya na pag-aari ng kaniyang pamilya.
Bukod kasi sa pagiging guro, isa rin siyang lisensiyadong embalsamador.
Kuwento ni Cariño, negosyo ng kanilang pamilya ang pagpapatakbo ng punerarya sa Laoac sa Pangasinan kung saan tinuruan sila ng namayapang ama na mag-embalsamo.
"Bata pa lang kami nakikita na namin kung paano nag-eembalsamo 'yung tatay namin. Sumasama rin ako kaya natuto at nasanay na rin sa mga patay," sabi ni Cariño.
Pagtungtong ng edad na 16, doon na siya tumulong sa trabaho ng ama.
"Kailangan ko rin ng stable job, kaya nag-aral din ako maging teacher pero kahit madaling araw kapag may patay tutulong ako tapos sa umaga papasok naman... hindi lang naman para kumita kundi para makatulong," dagdag niya.
Maging ang kaniyang panganay na anak na si Lester ay marunong na ring mag-embalsamo.
"Para hindi maputol 'yung negosyo na minana pa namin kay Lolo... kasi tumatanda na rin sila Mama kaya dapat alam din namin ito para tuloy-tuloy," sabi ni Lester.
Sa kabila ng kaniyang busy na schedule, isa lang ang natitiyak ni Cariño: hindi siya titigil para magbigay ng serbisyo sa buhay man o patay.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
embalsamador, Pangasinan, Tagalog news, Regional news, Leda Cariño, punerarya, embalsamo, TV Patrol, Elaine Fulgencio