Closed van, bumangga sa trailer truck; 2 sugatan

Andrew Bernardo, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 11:44 AM

Wasak na wasak ang unahang bahagi ng closed van matapos itong bumangga sa likod ng sinusundang truck sa Batangas. Andrew Bernardo, ABS-CBN News

IBAAN, Batangas - Sugatan ang driver at pahinante ng closed van matapos na bumangga sa sinusundang trailer truck sa kahabaan ng Star Tollway Huwebes ng umaga.

Agad na dinala ng rumespondeng rescue team ng Star Tollway ang mga sugatan sa ospital.

Sa tindi ng banggaan, wasak ang unahang bahagi ng closed van na may kargang mga manok galing Bulacan.

Kuwento ni Roniel Malalis, driver ng trailer truck, alalay lang ang takbo niya dahil malapit na sila sa pagdadalhan ng kargang semento sa Ibaan.

"Ang ganda ng takbo ko bigla na lang bumangga sa likod ko, nagulat nga ako," sabi ni Malalis.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng PNP-Highway Patrol Group sa aksidente.

Sabi umano ng driver ng closed van na nagkaproblema umano ang manibela at preno nito.

“Nawalan daw siya ng preno, nag-lock daw manibela. 'Yun ang sabi ng driver," dagdag ni Malalis.

Nagdulot ng bahagyang pagbagal sa daloy ng trapiko sa lugar ang aksidente pero naibalik din sa normal nang maitabi sa kalsada ang dalawang truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.