Barangay treasurer sa Iriga City, ipinangsugal umano ang suweldo ng mga opisyal

Mae Pulvinar, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 10:54 PM

Arestado ang barangay treasurer ng San Isidro sa Iriga City, Camarines Sur matapos nitong ipatalo umano sa sugal ang pampasuweldo sana sa mga opisyal ng barangay.

Ayon sa pulisya, Martes ng hapon nang pumunta sa himpilan ng pulis si Gabriel Vargas para isumbong na biktima umano siya ng robbery hold-up.

"Tinignan namin yung area kung saan siya hinold-up. May CCTV doon, ni-review namin yung footages ng CCTV. Tatlong beses siya pabalik-balik sa area, may kausap siya sa telepono. Nagduda kami. Sabi ko, kung hoholdapin ka sa isang lugar, dapat isang pasada lang, isang daan ka lang," ayon kay Police Lieutenant Colonel Elmer Mora, acting chief of police ng Iriga City Police.

Kita rin sa CCTV footage na matapos ang pakikipag-usap sa telepono, biglang may lalaking lumapit kay Vargas at pinukpok ito ng bato sa ulo.

"Yung suspek na supposed to be na pumalo sa kanya, nahuli namin. Dun namin nalaman na siya pala ay binayaran ng five thousand para siya ay holdapin kunwari, pukpukin siya sa ulo para mawalan siya ng malay at matumba then kunin daw yung bag. Yun ang instruction sa kanya, eh," dagdag pa ni Mora.

Ang nasabing panghoholdap, ikinasa umano ni Vargas matapos niyang naipatalo sa sugal ang P275,000 na pampasuweldo sana sa mga opisyal ng kaniyang barangay. Ayon pa sa pulisya, dalawang beses natalo si Vargas sa sabong.

Nakilala ang lalaking nangholdap kay Vargas na si Jimmy Padayao.

Matagal nang nagtatrabaho sa Barangay San Isidro si Vargas. Desidido umano ang mga kasamahan nito sa trabaho na kasuhan siya.

Nahaharap si Vargas sa kasong obstruction of justice habang inihahanda na rin ang kaso laban sa dalawa pang naging kasabwat nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.