Bakit walong digits na ang ginagamit na landline number?

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2019 03:03 PM | Updated as of Oct 24 2019 03:14 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA - Simula Oktubre 6 naging epektibo ang migration sa 8-digit mula sa 7-digit ng lahat ng landline number sa bansa. 

Pero bakit nga ba ito ginawa? 

Ayon kay Edgardo Cabarios, Deputy Commissioner ng National Telecommunications Commission, ito ay para magbigay-daan sa pagpasok ng ikatlong telco player na Dito Telecommunity, maging ang pagdami ng mga gumagamit ng mga landline. 

"Kasi 'yung papasok na telco eh wala nang maa-assign na numero. So minabuti ng komisyon na gawing eight digits iyan so kung eight digits iyan nasa around 70 million na (ang possible numbers)," ani Cabarios sa programang "Usapang de Campanilla" ng DZMM. 

Alinsunod ito sa NTC Memorandum Order No. 10-10-2017, kung saan binibigyan ng "identifier" ang bawat telco bilang prefix sa lahat ng landline numbers.

Numerong "7" ang itinalaga sa mga kostumer ng Globe habang "3" ang itinalaga sa subsidiary nila na Bayan Telecommunications. Numerong "8" ang prefix para sa mga kostumer ng PLDT Inc. 

Iginiit ni Cabarios na mas mabuti sa mga konsumer ang pagdadagdag ng mga prefix dahil mahihikayat umano ang mga telco na magbaba ng kanilang subscription fees, lalo na sa pagpasok ng ikatlong telco.

"Mag-iisip itong ating mga telco ng services na kailangan ng telephone number for a specific service na attractive sa consumers natin, so maglalabanan yan eh so gaganda ang serbisyo... Better quality at ang presyo reasonable," ani Cabarios. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.