Suplay ng bulaklak sa Benguet, inihahanda na para sa #Undas2018

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 06:39 PM

Isang buwan matapos tamaan ng bagyong "Ompong" ang lungsod, tiniyak ng mga flower farmer sa Bahong, La Trinidad, Benguet na sapat ang suplay ng kanilang bulaklak para sa Undas sa susunod na linggo. 

Bagama't may nasirang mga greenhouse na siyang pinagtataniman ng mga bulaklak, tiniyak ni Bahong Multi-purpose Cooperative chairperson Jacinta Segundo na sapat ang suplay mula sa kanilang flower farm na pinanggagalingan ng mga bulaklak na dinadala sa Maynila at iba pang lalawigan. 

Aniya, nakatakdang umani ng bulaklak sa Oktubre 28, kung saan magsisimulang dumagsa ang mga suki galing sa iba't ibang parte ng bansa. 

"Sa 28 ang harvest kasi dadating din ang mga suki galing sa Cabanatuan saka sa ibang lugar," aniya. 

Sa ngayon, nasa P90 hanggang P100 ang retail price ng kada dosena ng orange anthurium, habang P70 hanggang P80 ang kada dosena ng red anthurium. 

Narito naman ang wholesale price ng ilang bulaklak sa Benguet: 

  • Aster → P25 hanggang P30/bundle
  •  Rosas → P250/ 2 dosena
  • Malaysian Mums → P70 hanggang P80/bundle
  •  Alstromeria → P30 hanggang P40/bundle
  •  Gladiola → P60 hanggang P70

Kung nais daw na magtipid, maaaring bumili ng potted na bulaklak na mas mura ng P5 hanggang P10, saka ipaayos pagsapit ng Undas.

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.