MAYNILA - Arestado sa Maynila Martes ng gabi ang isang lalaking nagpapanggap na traffic enforcer.
Naka-uniporme pa ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang suspek, na inireklamo ng pangongotong, nang mabisto ng mga pulis sa Lacson Ave.
Ayon sa MTPB, marami ang nagsumbong ukol sa modus ng suspek.
"Ang kinokotongan mga trak, private vehicle, SUV... Hinahanapan ng initial violation, palalalimin, tapos tatakutin na i-impound," ani Mark Urieta, chief ng Anti-Scalawag and Internal Affairs Division ng MTPB.
Kabilang sa mga gawa-gawang violation ng suspek ay swerving at beating the red light kung saan hinihingan ang mga motorista ng bayad na umaabot sa higit P8,000.
Giit ng suspek, nag-volunteer siya na maging enforcer bilang community service sa Traffic Sector 4.
"Walang katotohanan po... Nakikipagkaibigan lang sa mga motorista," aniya.
Mahaharap ang suspek sa kasong robbery-extortion. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
Tagalog news, traffic enforcer, fake, Manila Traffic and Parking Bureau, MTPB, traffic violation, robbery, extortion, Sampaloc, Manila, Umagang Kay Ganda, UKG