Pastor patay sa pamamaril sa Negros Oriental

Nico Delfin, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 10:05 PM

Patay ang isang pastor matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Guihulngan City, Negros Oriental nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Carlito Bulloron, 53, na nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang ulo at katawan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, naglalakad pauwi si Bulloron kasama ang 28-anyos na buntis na live-in partner na si Grace Saknana nang barilin ng gunman na sumusunod sa kanila.

Nagtamo ng tama ng bala sa kaniyang tiyan at likod si Saknana.

Ligtas na si Saknana pati ang sanggol sa kaniyang sinapupunan pero patuloy na ginagamot sa ospital, ayon sa pulisya.

Away sa lupa ang pinaniniwalaang motibo sa pamamaril.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa kung sino ang may alam sa pagkakalinlan ng salarin na magbigay ng impormasyon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.