Naiwang bakal at semento sa tabing dagat sa El Nido inireklamo

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 07:55 PM

EL NIDO, Palawan – Isang concerned citizen ang nag-post sa Facebook ng larawan ng nakausling mga bakal at semento sa tabing-dagat ng Barangay Buena Suerte sa bayang ito.

Mula umano ito sa hindi tapos na demolisyon ng isang resort sa lugar. Bahagi ito ng tie beam foundation na dapat umanong tanggalin bago pa makadisgrasya ng tao.

Paliwanag ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO), hindi pa tapos ang demolisyon.

“Hindi pa natatapos 'yung total clean-up, nauna nating na-demolish 'yung structures and then 'yung debris and mga naiwan doon ay kasama rin sa lilinisin," ayon kay Forester Felizardo Cayatoc, officer-in-charge ng PENRO.

"We’ll be instructing our Protected Area Superintendent and personnel doon (sa El Nido) para sa ganoon ay matatanggal na,” aniya.

Samantala, nakatakda namang ipasuri ng DENR ang tabing-dagat sa mga na-demolish na lugar upang malaman kung may mga naiwan pang hindi natanggal na mga tubo.

“We are also requesting the so-called instrument used in Boracay. Para ma-ensure na totally ay walang nakabaon pang mga pipes draining to the Bacuit Bay,” dagdag ni Cayatoc.

Target ng DENR na ngayong taon matapos na ang demolisyon sa bayan ng El Nido.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.