Mga manggagawa sa Baguio, nag-'rap' vs kontraktwalisasyon

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 09:49 PM

BAGUIO CITY - Kaiba sa normal na kilos-protesta, sa pagra-rap idinaan ng ilang mga manggagawa mula sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang kanilang mga hinaing.

Paraan umano ito ng pagpapaabot nila sa administrasyon ng kanilang protesta laban sa kontraktwalisasyon.

Watch more in iWantTFC

Setyembre nang sertipikahang “urgent” ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Security of Tenure and End ENDO Act of 2018 o batas na naglalayong wakasan ang ENDO at kontraktwalisasyon.

Ang isa sa mga nakilahok na si Ronel dela Cruz, limang taon nang kontraktwal sa isang paggawaan ng plastik. Nito lamang Setyembre, tinanggal siya sa trabaho.

"Mahirap kasi nakakaranas kami ng matinding kalagayan tulad ng maliit na pasahod tapos walang kasiguraduhan sa trabaho yung walang-wala ka na talaga hindi mo na kaya iyung ganoong sitwasyon," aniya.

Ayon sa Employers Confederation of the Philippines, sa buong bansa, nasa tatlong milyong manggagawa lamang ang regular ang status ng employment, habang nasa 43 million naman ang bilang ng mga temporary, seasonal, at kontraktwal na mga manggagawa.

Bukod sa pagsulong sa regularisasyon ng mga manggagawa at pantay-pantay na minimum wage sa buong bansa, hiling rin ng grupo na maibasura ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

“Maraming mga kababayan na natin ang nagrereklamo na imbes na magkaroon ng kaganahan ay lalong nalulubog ang kabuhayan dahil sa imposisyon ng TRAIN Law ang pinagsisilbihan naman dito sa build build ay hindi mga mahihirap na mamamayang Pilipino tulad ng mga manggagawa at magsasaka,” ani Elmer Labog, Chairperson ng Kilusang Mayo Uno.

Mariin din umano nilang kinokondena ang pagkamatay ng siyam na magsasaka sa Sagay City, Negros Occidental.

Nasa Baguio City ang mga manggagawa para sa kanilang idinaos na tatlong araw na national congress.

Lahat ng kanilang mga napag-usapan ay lalapatan umano ng mga karampatang aksyon na idudulog nila sa mga angkop na ahensya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.