Mga baril at bala, nasamsam sa bahay sa El Nido

Arlie Cabrestante, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 04:02 PM

Ilang mga baril at bala ang nasamsam mula sa bahay ng isang lalaki na una nang inireklamo na nagpapaputok sa kanilang barangay sa El Nido sa Palawan. Larawan mula sa El Nido Police

EL NIDO, Palawan – Nasamsam ng awtoridad ang ilang baril at mga bala mula sa bahay ng isang lalaki sa Barangay Pasadeña sa nasabing bayan.

Ito ay matapos na makarating ang sumbong na may nagpapaputok ng baril sa barangay. Isang buwan din na pagmomonitor ang ginawa ng awotidad bago nakumpirma ang sumbong.

Sa bisa ng search warrant mula sa Regional Trial Court Branch 95, ginalugad ng awtoridad ang bahay ni Arthur "Boboy" Panaguiton, Miyerkoles ng umaga. 

Nakuha sa tahanan ni Panaguiton ang 20 piraso ng bala ng M16, 8 bala ng shotgun, 2 piraso ng bala ng grenade launcher, 5 bala ng kalibre .38, 3 homemade shotgun, 1 kalibre .38 na revolver at iba’t ibang uniporme ng sundalo.

Ayon sa suspek, nakuha lamang niya ang uniporme sa kaniyang mga kaibigan pero walang dokumentong hawak ito para sa mga baril.

Mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of firearms at RA 9516 o Illegal Possession of Explosives dahil sa nakuhang grenade launcher.