Med tech arestado sa pagbebenta ng droga sa Iloilo

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 07:16 PM | Updated as of Sep 16 2019 12:18 PM

Watch more in iWantTFC

Arestado ang isang 32 anyos na medical technologist dahil umano sa pagbebenta ng droga sa labas ng ospital kung saan ito nagtatrabaho sa Iloilo City. 

Sa isang buy-bust operation nitong Lunes, hinuli ng mga pulis si Jonathan Lobriza nang lumabas sa gitna ng kaniyang duty sa Western Visayas Medical Center (WVMC) at sinamahan ang nagpanggap na buyer sa kaniyang sasakyan para gawin ang transaksiyon. 

“Ang transaksiyon gin meet siya sa hospital and then nag-lobby aton operatives nga magbakal sa iya. Siling niya wala siya ga transaksiyon sang tingi-tingi. Bali volume ang gusto niya,” ani Chief Insp. Engilbert Banquillo, officer-in-charge ng Iloilo police. 

(Sa hospital sila nagtagpo para sa transaksiyon. Sabi ng ating operatives, bibili sila sa kaniya. Pero sabi niiya, hindi siya nakikipag-transaksiyon ng tingi-tingi. Volume ang gusto niya) 

Nakuha kay Lobriza ang isang bultong hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P25,000. 

Giit ni Lobriza, walang naganap na buy-bust operation at gusto lamang niya umanong isauli ang droga na ipinatago sa kaniya ng isa pang drug personality na nahuli rin kamakailan. 

Ayon sa abogado ng WVMC na si Cynthia Ng, maaaring tanggalin sa trabaho si Lobriza, isang contractual employee ng pathology department ng ospital, kapag napatunayang lumabag ito sa batas. 

"If ever Mr. Lobriza will be adjudged to have violated any provisions of the law, then we can do nothing but to stop him from being employed," aniya. 

Itinuturing na high-value target level 1 ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency si Lobriza. 

-- Ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.