Lumang gusali sa paaralan sa Ilocos, natupok ng apoy

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 09:46 PM

SANTA, Ilocos Sur - Natupok ng apoy ang isang lumang gusali sa Santa Central School sa Santa, Ilocos Sur Miyerkoles ng umaga.

Buong gusali ang nasunog. Ginagamit ito sa mga klase ng mga mag-aaral sa una at ikalawang baitang, gayundin bilang opisina ng district supervisor at school principal.

Ilang sa mga nasunog na kagamitan ay mga telebisyon, DVD players, electric fan, computer at mga bagong libro.

Kasama rin umano sa mga nasunog ang mga record ng mga guro at mga mag-aaral.

Sa paunang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection, sa silid-aralan na ginagamit ng mga nasa unang baitang nagsimula ang sunog.

"Short circuit o may nakasaksak na appliances ang posibleng sanhi ng sunog," ayon kay Fire Senior Insp. Elemer Acapuyan.

Watch more in iWantTFC

Sunog sa Santa Central School. Kuha ni Nesvin Roalf Burgonio

Kasalukuyang nakabakasyon ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan kaya walang mga estudyante nang masunog ang gusali.

Hiling ng punong guro ang agarang tulong para maayos muli ang nasunog na building.

Panahon pa ng pananakop ng mga Amerikano sa Pilipinas nang unang itayo ang mga Gabaldon-type school building. Ipinangalan ang ganitong uri ng disenyo sa mga gusali kay Isauro Gabaldon na noon ay miyembro ng Philippine Assembly.

Ang mga nasabing gusali ay nagsilbing saksi sa unti-unting pagkabuo ng public school system sa bansa.

Itinuturing na important cultural properties ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang mga Gabaldon-type school building sa buong bansa.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.