Lalaki, patay sa pananaksak ng holdaper

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 11:37 PM

CAGAYAN DE ORO CITY - Patay ang 21-anyos na si Joshram Maula matapos saksakin ng hindi pa kilalang mga holdaper dahil sa hindi nito pagbigay ng kaniyang mga gadgets Martes ng gabi habang nakasakay sa isang jeep sa Barangay Nazareth, Cagayan de Oro City.

Ayon sa ina ng biktima na si Amy at base na rin sa salaysay ng mga pasahero, nakasabit sa jeep ang biktima papauwi na sana sa kanilang bahay galing eskwelahan. 

Apat na lalaki ang pumagitna kay Joshram at doon idineklara ang holdap pero dahil hindi nito ibinigay ang kaniyang cellphone at dalang laptop ay sinaksak ito sa leeg.

"Narinig ng mga pasahero na sinabi ng mga kriminal na ibigay mo na, ibigay mo na, akala nila nagbibiruan lang pero duda namin 'yun na ang panahon na kinukuha na gamit niya," sabi ni Amy Maula, ina ng biktima.

Hindi nakuha ng mga lalaki ang laptop at cellphone ng biktima dahil agad silang tumakas matapos manaksak.

Dinala pa sa ospital si Joshram pero binawian rin ng buhay dahil sa dami ng nawalang dugo sa kaniya.

Hustisya ngayon ang panawagan ng mga kamag-anak lalo na at ga-graduate na sana sa kursong BS Information Technology ang biktima sa susunod na taon.

"Siya na sana ang inaasahan naming makatulong sa hirap ng buhay namin pero binawian pa ng buhay talagang masakit," dagdag ng kaniyang ina.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente pero may lead na umano sila sa mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.