Ilang residente ng CDO, naghahanda na para sa Undas

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 10:40 AM

Nagsimula nang magkumpuni ng mga puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay ang ilang residente bilang paghahanda sa nalalapit na paggunita sa araw ng Undas.

CAGAYAN DE ORO CITY – Nagsimula nang dumagsa sa iba’t-ibang sementeryo ang mga residente para sa paghahanda sa nalalapit na Undas.

Isa si Rico Salameda sa mga nagpaayos ng bubong ng puntod ng kaniyang yumaong ama na inilibing sa Bulua Public Cemetery.

Nakasanayan na ng pamilya ni Salameda na maagang maglinis ng puntod ng kanilang mahal sa buhay bago mag-Undas.

Sa sementeryo din nagtitipon-tipon ang buong pamilya at kaanak ni Salameda tuwing Undas.

Pinaayos naman ni Abner Odchigue ang puntod ng kaniyang yumaong ina sa City Memorial Park sa Barangay Camaman-an.

Siniguro nitong maagang malinis ang puntod para makaiwas pa sa problema lalo na't marami na ang ipinagbabawal ng awtoridad na dalhin sa loob ng sementeryo tuwing Undas.

Paalala naman ng pulis sa publiko na mas mainam na maagang maglinis sa mga puntod dahil ipinagbabawal na ang pagdala ng mga matutulis na bagay gaya ng kutsilyo at itak sa araw ng Undas.

Bawal din ipasok sa loob ng sementeryo ang mga alak, sound system at pagsusugal.

Nakahanda na rin ang Cagayan de Oro City Police sa araw ng Undas.

Magtatalaga ang pulisya ng mga checkpoint sa bawat sementeryo. Kaakibat din ng mga pulis sa pagkamit ng maayos at matiwasay na Undas ang force multipliers gaya ng mga barangay tanod at mga pribadong grupo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.