Habang papalapit ang Undas: Presyo ng kandila pipirmi, bulaklak magtataas

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 07:53 PM | Updated as of Sep 16 2019 12:06 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng ilang nagtitinda ng kandila na hindi na gagalaw ang presyo ng kanilang mga paninda hanggang sa Undas habang nagbabadya namang magmahal ang mga bulaklak na itinitinda sa Dangwa Market sa Maynila.

Ayon sa tindera ng kandila na si Ellen Tahel, hindi na raw gagalaw simula ngayong Miyerkoles hanggang sa Undas ang presyo ng kandila sa ilang tindahan. 

Pero bago nito, nagtaas na si Tahel ng P2 hanggang P5 sa presyo ng kaniyang mga kandila, depende sa klase.

Sa tindahan ni Tahel, nasa P120 ang 20 piraso ng procession candle, P135 ang kandilang seven days, at P125 hanggang P145 naman ang Olympia candle.

Kuwento ni Tahel, sa parehong araw noong nakaraang taon ay puno na ng mamimili ang kaniyang tindahan pero naging matumal daw ngayon ang kaniyang benta.

"Wala pa 'yong lumuluwas galing probinsya, hindi tulad last year... ngayon siguro dahil din apektado sa pagtaas ng presyo," ani Tahel.

Sa ngayon ay nakapirmi ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa Market.

Maaari pang makabili ng flower arrangement sa halagang P100 hanggang P500, depende sa klase.

Pero pagsapit ng Sabado, Oktubre 27, malaki na ang itataas ng mga presyo, sabi ng mga tindero.

ARTIPISYAL BILANG ALTERNATIBO

Kaya para sa mga limitado ang budget ngayong Undas, maaaring bumili ng mga artipisyal na bulaklak at kandila.

Nasa P50 ang pinakamurang artificial flower arrangement habang P350 naman ang pinakamahal.

"Kagandahan nito, hindi nalalanta," sabi ni Anita Alcantara, tindera ng artificial flowers.

Ang isang set naman ng mga de-bateryang kandila ay mabibili ng P400 pero maaari rin daw bumili ng pating-tingi.

"Hindi mo lang magagamit sa Undas puwede rin sa Pasko, pangbahay," sabi naman ni CJ Guiao ukol sa tinitindang electronic candles. 

Hindi lang sa bulaklak at kandila maaaring makatipid kundi pati na rin sa pagpapalinis ng puntod. 

Isa si Robin Fajardo sa mga taong pinipiling sila na lang mismo ang maglinis ng puntod ng kanilang yumaong kaanak sa halip na magbayad at ipalinis ito sa iba.

"Imbes na ibibigay mo sa caretaker... sa 'yo na lang din," ani Fajardo. "Siyempre, praktikal." --Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.