Direktor ng PNPA, sibak dahil sa 'kahalayan' ng 3 kadete sa 2 plebo

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 08:30 PM | Updated as of Sep 16 2019 12:05 PM

Editor's Note: May mga tinatalakay na seksuwal at hindi pambata ang artikulong ito. Mahalaga ang wastong paggabay sa mga wala pa sa tamang edad o disposisyon para magbasa o umintindi ng ganitong mga bagay.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinibak na nitong Miyerkoles sa puwesto ang direktor ng Philippine National Police Academy (PNPA) matapos ang ulat ng kahalayang ipinagawa umano ng tatlong upperclassmen sa dalawang plebo ng akademiya.

Inutos ni Deparment of the Interior and Local Government (DILG) acting Secretary Eduardo Año na sibakin na si PNPA chief Joseph Adnol sa puwesto kasunod ng umano'y pag-utos ng tatlong kadete sa dalawang freshmen na magsagawa ng oral sex. 

Kuwento ng kadeteng si "Nica" na nawala ang dalawang kadete sa gitna ng kanilang pagpa-practice para sa kanilang cheerdance. 

Hindi niya umano napansin na hindi nakabalik ang dalawang plebo nang may lumapit na kadete sa kanila. 

"Nilalapitan niya mga classmates ko. Pero di ko alam na may pinullout siya," kuwento ni "Nica." 

Dinala umano ang dalawang plebo sa abandonadong barracks na nasa 700 metro ang layo mula sa practice site, at doon na sila inutusan ng 2nd Class Cadet na magsagawa ng oral sex sa dalawang 3rd Class Cadet. 

Ayon sa PNPA, bagaman pinilit lamang ng isang kadete na panoorin ng dalawang iba pa ang kahalayang ipinagawa sa dalawang plebo, isinama sa kaso ang dalawa pang upperclassmen dahil hindi sila pumalag sa insidente. 

Sinampahan na grave misconduct ng PNP ang tatlong kadete, at maaaring ma-dismiss sa PNPA ang mga ito. 

Inilipat muna sila sa mga isolation barracks habang sumasali pa rin sa normal routine ang dalawang plebo. 

Inirekomenda na rin ni PNP chief Director General Oscar Albayalde si dating Counter-Intelligence Task Force Director Chiquito Malayo para humalili kay Adnol. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.