Bahagi ng Roxas Boulevard, isasara sa Sabado

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 02:52 PM

Isasara sa mga motorista ang isang bahagi ng Roxas Boulevard sa Sabado, Oktubre 27, para bigyang daan ang pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng Jesus Is Lord (JIL) Church sa Rizal Park.

Tatlong southbound lane mula Kalaw hanggang Padre Burgos ang isasara simula 12:01 ng hatinggabi para sa technical preparations, ayon sa abisong inilabas ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ngayong Miyerkoles.

Ang mga natitirang lane sa naturang bahagi ay tuluyang isasara mula alas-10 ng umaga hanggang hatinggabi para sa mga aktibidad na nakapila para sa pagdiriwang.

Maglalagay ng mga orange barrier at cone sa mga apektadong lugar para magabayan ang mga motorista, sabi sa abiso.

Gagamitin din ang Quirino Grandstand sa okasyon, na inaasahang dadaluhan ng 100,000 tao, ayon kay MMDA general manager Jojo Garcia.

Makikipagtulungan ang mga traffic enforcer sa mga tauhan ng pamahalaang lokal ng Maynila para mangasiwa sa trapiko at matiyak ang kaligtasan ng mga dadalo sa pagdiriwang.

May isang lane din sa Kalaw, Bonifacio Drive at Padre Burgos ang magsisilbing drop-off points o babaan para sa mga bus na sasakyan ng mga dadalo.

Itinalaga namang parking area ang Intramuros, Cultural Center of the Philippines at Philippine International Convention Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.