5 sasakyan nagkarambola sa Cebu City

Carine Asutilla, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 11:39 PM

CEBU CITY - Limang sasakyan ang nagkarambola sa north entrance ng South Road Properties Tunnel sa Cebu City Miyerkoles ng hapon.

Ayon sa driver ng truck na si Gary Panilagao, galing sila sa bayan ng San Fernando at papunta na sana sa Pier 4 sa Cebu City nang mawalan sila ng preno sa may entrance ng SRP tunnel. Una niyang binangga ang pick-up truck ng Department of Public Works and Highways na bumangga naman sa sinundan nitong isang delivery van.

Kuha ni Jhunnex Napallacan

Nadamay ang isang kotse at isa pang delivery truck ng isang mall sa Cebu.

Ayon kay PO2 Junel Luga, malubhang nasugatan ang sakay ng delivery van na agad namang dinala sa ospital. Sugatan din ang mga sakay sa sasakyan ng DPWH.

Pansamantalang isinara muna ang SRP Tunnel habang isinagawa ang clearing operation sa lugar. Nagdulot ito ng pagsikip ng daloy ng trapiko.

Sasampahan naman ng kaso ang driver ng truck.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.