4 na bahay, nasunog sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 04:04 PM

Apat na bahay ang tinupok ng apoy na sumiklab Martes ng hapon sa Barangay Lapasan sa Cagayan de Oro. Nasa 24 pamilya ang pansamantalang nakatira ngayon sa multi-purpose hall ng barangay. Angelo Andrade, ABS-CBN News

CAGAYAN DE ORO CITY – Nilamon ng apoy ang 4 na mga bahay sa San Isidro Labrador, Barangay Lapasan, Martes ng hapon.

Nagsimula ang sunog sa boarding house na pagmamay-ari ni Deron Sohaile.

Ayon sa isa sa mga boarder na si Michael Calizo, nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng bahay at nakita nilang unang nagliyab ang wire na galing sa poste at konektado sa bahay.

Tinututukan ng Bureau of Fire Protection ang anggulong faulty wiring ang posibleng dahilan ng sunog.

Umabot naman sa 24 na pamilya o 80 indibidwal ang apektado ng sunog. Nabigyan na sila ng inisyal na tulong gaya ng pagkain at damit.

Pansamantala silang nakasilong sa multi-purpose hall ng barangay.

Tinatayang nasa P100,000 ang halaga ng pinsala.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.