25 Chinese, Taiwanese, timbog sa telephone fraud scam

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2018 07:19 PM | Updated as of Sep 16 2019 12:06 PM

Watch more in iWantTFC

Nahuli ang 25 Chinese at Taiwanese sa Dingras, Ilocos Norte dahil umano sa pagiging parte ng modus sa telephone fraud madaling araw ng Miyerkoles. 

Ayon sa Anti-Cybercrime Group (ACG) ng Philippine National Police, nakipag-ugnayan sa kanila ang mga pulis sa Tsina para matunton ang sindikato. Na-monitor din nila ang 100 internet protocol addresses buhat sa Pilipinas. 

Sabi ni ACG spokesperson Chief Inspector Artemio Cinco Jr., nagpapanggap umano na kawani ng gobyerno ang mga suspek para biktimahin ang mga Chinese na mag-transfer ng pera sa savings account ng nasabing umano’y sindikato. 

“Sila ay nagpapanggap na government employees ng People's Republic of China at doon gumagawa sila ng pekeng warrant of arrest at nagagawan nila ng paraan 'yung kanilang nabibiktima na mga Chinese national ay maipa-transfer nila ang kanila savings account sa account nitong mga sindikato,” ani Cinco. 

Nakakuha rin umano ang grupo ng milyon-milyong piso mula sa mga biktima sa Tsina. Aabot daw sa 100 ang nabibiktima ng mga suspek araw-araw sa Tsina. 

Umuupa ng malaking bahay ang mga sindikato para roon isagawa ang operasyon ng umano’y telecom fraud. 

Natagpuan din sa lugar ang mga improvised at soundproof na telephone booth o cubicle, at script na naglalaman ng mga sinasabi sa mga biktima. 

Sinasabi ring dito umano nagsimula ang nauusong 'tokhang scam' kung saan sasabihing nasa drug list ng gobyerno ang biktima at hihingan ito ng pera para matanggal sa listahan. 

Inaalam pa kung dito sa Pilipinas o sa Tsina sasampahan ng kaso ang mga suspek. --Ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.