Singil sa NLEX, STAR Toll, madaragdagan simula Nobyembre 6

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:11 PM

Ilang expressway ang nakatakdang magtaas ng toll matapos ang Undas. 

Aabot sa halagang P3.7 bilyon ang ginastos ng Metro Pacific Tollways Corporation para sa proyekto sa North Luzon Expressway (NLEX).

Kaya ang Toll Regulatory Board, nagpasiyang magpataw ng pansamantalang dagdag-toll na P0.25 kada kilometro. 

Sa closed system mula Marilao, Bulacan hanggang Sta. Ines, Pampanga, magiging P236 na ang toll mula P218 simula Nobyembre 6.

Pinahintulutan din ang Southern Tagalog Arterial Road (STAR) Toll sa Batangas na pansamantalang magtaas ng singil simula Nobyembre 6 kaya't magiging P0.67 ang dagdag nito simula Sto. Tomas hanggang Batangas City. 

'Maluwag sa Undas'

Tiniyak naman ng mga expressway at transportation officials ang mas maluwag na kalsada at mabilis na pag-usad ng pila sa NLEX, Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEX), at Manila–Cavite Expressway (Cavitex) sa darating na Undas.

Ito'y kahit inaasahang 15 hanggang 20% ang itataas sa bilang ng mga sasakyang daraan sa mga nasabing expressway.

Sa NLEX, magbubukas ng bagong 64-lane kilometers sa pagitan ng Sta. Rita, Guiginto, Bulacan, at Sta. Ines, Mabalacat City, Pampanga.

Dadagdagan din ang toll gates sa mga madalas na choke points.

Magagamit na rin ang Radio Frequency Identification stickers na pag-iisahin ang sistema ng pagbabayad sa NLEX, SCTEX, at Cavitex.

Maglalaan na rin ng karagdagang tulong sa mga masisiraan ng sasakyan. 

Drug testing

Bilang paghahanda rin sa Undas, sumailalim sa boluntaryong drug testing ang ilang tsuper ng bus nitong Martes sa tanggapan ng Land Transportation Office (LTO).

Sisilipin ng LTO ang mga drug testing center na binabago umano ang resulta.

Magdadagdag ng mga tauhan ang LTO ngayong Undas para siguruhing kumpleto ang dokumento at maayos ang mga tatakbong pampublikong sasakyan.

Maghihipit din sila sa panghuhuli sa mga lumalabag sa batas trapiko.

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.