Pulis, pinagbintangang tumangay ng 30 sasakyan, tinutugis

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:09 PM

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang isang pulis sa Zambales na sangkot umano sa serye ng modus na "rent-a-car" o "rentangay".

Isa si Jho Floresca sa mga biktima ng suspek na kinilalang si SPO1 Ronaldo Yadao Robianes.

Nitong Oktubre 2, pinahintulutan ni Floresca si Robianes na hiramin ang kaniyang Toyota Vios sa loob ng tatlong araw kahit walang kontrata.

Nagtiwala si Floresca dahil pulis si Robianes at malaki ang respeto niya sa kapulisan.

Kaya laking panlulumo na lamang ni Floresca nang matuklasan nitong hindi nagbayad si Robianes ng deposit at rental fee nang kuhanin ang sasakyan.

Nais pa umano ng pulis na palawigin sa isang buwan ang upa sa sasakyan pero hindi pumayag si Floresca.

Subalit simula noong Oktubre 5, hindi na mahagilap si Robianes.

Nang ibahagi ni Floresca sa Facebook ang insidente, nalaman niyang pang-30 na pala ang kaniyang sasakyan sa mga umano'y natangay ng pulis mula sa 15 biktima.

Kabilang sa mga biktima si Olongapo City Councilor Zar Panlaqui pero masuwerteng nabawi nito ang dalawang sasakyang isinangla ni Robianes sa casino.

Ayon sa Zambales Provincial Police Office, nasa "absence without leave" si Robianes mula Oktubre 4.

Isang beses lang din siyang nagpakita sa kampo mula nang malipat galing sa Pampanga Provincial Police Office.

Dahil sunod-sunod ang reklamong hinain laban kay Robianes, nakalkal ng Zambales PPO na walong kasong kriminal ang naisampa laban kay Robianes kaugnay sa modus nito.

Limang beses nang naaresto si Robianes pero nakapagpiyansa ito.

Dalawang kasong administratibo ang hinaharap ngayon ni Robianes sa Regional Internal Affairs Service.

Tiniyak naman ng Zambales PPO na masisibak sa serbisyo at makukulong ang suspek.

Nanindigan naman si Philippine National Police (PNP) chief Director-General Ronald “Bato” Dela Rosa na pananagutin ang lahat ng pulis na ayaw talikuran ang mga baluktot na gawain.

Dagdag ni Dela Rosa, pagtutuunan niya ng pansin ang paglilinis sa hanay ng kapulisan bago magretiro, lalo na't hindi na hawak ng PNP ang giyera kontra droga.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.