Libo-libong kontrabando mula sa mga selda dinurog ng BJMP

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 04:10 PM

MAYNILA - Aabot sa higit 4,400 kontrabandong mga kagamitan na nakumpiska sa mga kulungan sa Metro Manila ang sinira ng Bureau of Jail Management and Penology Martes ng umaga.

Kabilang sa mga sinirang kontrabando ay mga smartphone, laptop, tablet, lighter, at may iba pang electronic accessories. Dinurog ang mga ito gamit ang isang road roller.

Bago dinurog, kinuha muna ng mga awtoridad mula sa mga smartphone at laptop ang mga kompidensiyal na impormasyong makakatulong sa kanilang mga imbestigasyon. 

Ang libo-libong kontrabandong ito ay nakumpiska sa "Oplan Greyhound" na isinagawa mula Enero hanggang Setyembre sa 475 kulungan sa Metro Manila, ayon kay Sr. Inspector Xavier Solda.

Paliwanag ni Solda, itinatago ng mga bumibisita sa selda ang kontrabando sa pribadong bahagi ng kanilang katawan kaya ito nakalusot noon. 

Dagdag pa niya, may ilang jail warden ang kasabwat sa pagpuslit ng mga kontrabando sa kulungan. Aabot na aniya sa 44 BJMP personnel ang kanilang iniimbestigahan ngayon.

Katulong ng BJMP sa Oplan Greyhound ang Philippine Drug Enforcement Agency, na siyang pangunahing grupong nakatutok ngayon sa war on drugs ng administrasyon.--ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.