Lalaking 'nambibiktima' ng Uber, Grab drivers, natukoy dahil sa pulang sapatos

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 09:33 PM

Arestado ang 55 anyos na lalaking nagpapanggap umanong pasahero sabay tatangayin ang gamit ng biktimang drayber ng mga transport network vehicle service (TNVS) tulad ng Uber at Grab.

Kuwento ng isa sa mga biktima, hindi nagpa-book ang suspek na si Romeo Francisco at pinara lang siya.

Kinontrata siya ni Francisco sa halagang P4,000 na ipasyal sa Tagaytay ang kapatid na balikbayan.

Kapag napalagay na ang loob ng drayber, hihiramin ng suspek ang cellphone o pera ng biktima.

Agad tatakas ang suspek pagkatapos na makuha ang mga hiniram sa driver.

Makikita pa sa mga kuha ng CCTV ang pagtakas ni Francisco sa isang eskinita sa Sta. Cruz, Maynila.

Nakuhanan rin siya sa magkakahiwalay na insidente matapos lokohin at pagnakawanan ang ilang drayber daw ng Grab at Uber.

Pati tricycle driver, naloko at tinangayan din ng cellphone ni Francisco.

Nakilala si Francisco ng kaniyang mga biktima dahil sa lahat ng insidenteng nagnakaw siya, suot niya lagi ang kaniyang pulang rubber shoes.

Ayon pa sa kapitan ng Barangay 315 na si Emil Jimenez, sa mga eskinita lumulusot ang suspek bago sumasakay ng taxi. 

Lumalabas din sa rekord ng barangay na limang TNVS drivers na ang naloko ni Francisco kung saan nasa P10,000 ang halaga ng bawat cellphone na ninakaw ng suspek.

Nakuha naman ng isa sa mga biktima ang cellphone number ni Francisco kaya natawagan nila ang suspek at sinabing nanalo siya sa isang promo.

Ikinasa ang isang entrapment operation matapos pumayag na makipagkita si Francisco.

Depensa niya, kailangan niya ng pera para maipambili ng gamot.

Panawagan ng Sta. Cruz Manila Police, magsadya sa kanila ang iba pang driver na nabiktima ni Francisco.

-- Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.