Ilegal na droga at baril, nasamsam sa bahay ng dating pulis

Lady Stephanie Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 10:59 PM

PANGASINAN - Ni-raid ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Pangasinan Police Provincial Office, at Provincial Public Safety Company ang isang bahay sa Barangay Pagal, San Carlos City sa Pangasinan Martes.

Pagmamay-ari umano ng dating pulis na si SPO1 Rodolfo Resuello, Jr. ang bahay. Natanggal sa serbisyo si Resuello dahil sa umano'y pagkasangkot sa ilegal na droga.

Hindi inabutan ng otoridad sa bahay si Resuello. Nakita pa sa likod-bahay ang pinagkapehan niya bago umano ito umalis papunta sa manggahan.

Sa isang cabinet sa kusina, nakita ang nakaipit na pouch sa mga damit. May laman itong 16 na sachet ng hinihinalang shabu at ilang gamit para sa pagre-repack ng droga.

Nakuha naman sa kwarto ang dalawang kalibre .45 na baril at mga bala.

Ayon sa pulisya, high-value target si Resuello na iniuugnay rin sa gun for hire at pagpatay sa isang pulis sa San Carlos.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.