Botikang walang lisensiya, nilusob sa Cebu

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 12:40 PM | Updated as of Oct 24 2017 02:08 PM

Sinalakay ng mga awtoridad ang isang pharmacy na pagmamay-ari umano ng isang Amerikano sa Mandaue City, Cebu noong Lunes ng gabi.

Limang taon na kasi itong patuloy sa operasyon sa kabila ng kawalan ng lisensiya mula sa Food and Drug Administration (FDA), ayon kay Guillermo Danipog, hepe ng FDA Regulatory Enforcement Unit.

2012 nang mapasawalang bisa ang lisensiya ng pharmacy ngunit hindi na ito nag-renew.

Sa bisa ng isang search warrant, pinasok ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG-7) at FDA ang pharmacy, na may maliit na laboratoryo.

Nakuha ang mga sangkap at ilang finished products ng mga pampaganda, pampaputi at mga bitamina.

Ayon kay Supt. Rey Magdaluyo, pinuno ng RSOG-7, isang buwan na nilang minamanmanan ang operasyon ng pharmacy.

Napag-alamang pangkat ng mga doktor sa Maynila ang mga kliyente nito. Mga produktong pampaganda naman ang malimit na binibili.

Ayon kay Danipog, may 10 araw ang kompanya para sagutin ang reklamo laban sa kanila.

Kung hindi ito magagawa, sasampahan ng kaso ang nahuling may-ari at mga tauhan ng pharmacy.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.