3 magkakapatid sa Pangasinan, patay matapos makuryente

Edward Quinto, ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 07:05 PM

Labis ang paghihinagpis ng isang mag-asawa matapos makuryente ang kanilang tatlong menor de edad na anak sa likod ng kanilang bahay sa Barangay Nagsaing, Calasiao, Pangasinan.

Nakuryente ang tatlo sa isang live wire na sana ay para sa panghuli ng isda sa ilog, na nasa likod lang ng kanilang bahay. 

Nakakita ng isda ang 16 anyos na panganay pero nakalimutan daw nito na nakasaksak ang kable kaya nakuryente. 

Nakita naman ng 12 anyos ang kuya kaya sinubukan niya itong sagipin habang buhat ang bunsong kapatid na isang taong gulang, dahilan para makuryente ang dalawa pa. 

Ayon sa ina ng mga biktima, nasa banyo siya nang mangyari ang aksidente habang nagtatrabaho sa bukid ang asawa nito. 

Dinala sa ospital ang magkakapatid pero hindi na umabot nang buhay.

Ayon sa doktor, dead-on-arrival ang mga biktima at ipinaliwanag din kung ano ang ikinamatay.

Iniuwi na ang tatlo sa kanilang bahay.

Paalala naman sa mga magulang, laging bantayan ang mga anak para makaiwas sa aksidente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.