2 binatilyo, dawit sa pagholdap sa jeep, tiklo

ABS-CBN News

Posted at Oct 24 2017 07:38 PM

Arestado ang dalawang menor de edad na kasama umano sa mga nangholdap sa mga pasahero ng isang jeep sa Quezon City nitong Lunes, Oktubre 23.     

Ang ina ng 16 anyos na si alyas "Armand", hindi na napigilang mapaiyak nang makita sa presinto ang anak.

Kabilang si Armand at kasama niyang si alyas "Bimbo" sa 10 menor de edad na itinuturong nangholdap sa tatlong sakay ng isang jeep sa Edsa-North Avenue sa Quezon City.

Kuwento ng mga binatilyong nahuli, 35 sila na miyembro ng sindikato na karamihan ay mga menor de edad.

Kadalasan umano, lima sila sa bawat grupong nanghoholdap ng jeep at P200 ang parteng nakukuha nila sa kada "lakad".     
 
Ayon kay Supt. Carlito Mantala ng Quezon City Police District (QCPD) Station 2, sinabi ng mga suspek na lookout lang sila pero itinuro sila ng mga biktima. 

Narekober din sa dalawa ang bag na naglalaman ng mga gamit ng kanilang biktima at mga patalim. 

Nito lang nakaraang Huwebes, mangiyak-ngiyak pang dumulog sa pulisya ang ilang pasahero ng jeep na hinoldap din umano ng mga menor de edad sa kanto ng North Avenue at Agham Road sa Quezon City. 

Sa kuha ng CCTV, mapapansing madilim sa lugar kung saan hinoldap ang jeep. 

Hindi bababa sa P30,000 ang halaga ng mga natangay ng mga holdaper.

Ayon kay Mantala, karaniwang mga bata ang ginagamit sa krimen dahil mabilis silang makalaya. 

Iti-turn-over naman sa Department of Social Welfare and Development ang mga nahuli dahil pawang mga menor de edad. 

Sa tala ng QCPD, umabot na sa 284 ang mga insidente ng robbery holdap sa Quezon City mula Enero hanggang Oktubre ng taong ito. -- Ulat nina Doland Castro at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.