Tracker team tutugis sa 7 natitirang pumuga sa Caloocan

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2020 06:42 PM

MAYNILA - May nakatutok nang tracker teams ang Caloocan City Police para muling maibalik ang natitirang pitong puganteng pumuga sa custodial facility nito.

“May naka-focus na tracker team bawat isa sa pitong nakatakas. Ongoing manhunt,” pahayag ni Col. Dario Menor, hepe ng Caloocan City Police.

Gabi ng Huwebes nang muling madakip ng pulisya ang umano'y lider ng tumakas na grupo na si Arnel Buccat, kasama ang limang iba pa.

Ayon kay Menor, nakatakda silang iturnover sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).

Ang 6 ay kabilang sa 13 na tumakas sa custodial facility madaling araw ng Miyerkoles.

Watch more in iWantTFC

Sabi ni Menor, 31 katao ang dapat sanang ibibigay sa pangangalaga ng BJMP matapos sumailalim sa 21-araw na quarantine period.

“Na test sila noong Oktubre 2 dapat kahapon sila lahat dadalhin sa BJMP. 'Yung natitirang 18 out of 31—nakalabas 'yung 13, naiwan 'yung 18— kahapon po nai-turnover natin sa BJMP,” sabi niya.

Nauna nang nanawagan ang pulisya sa mga kaanak ng mga pugante na makipagtulungan sa kanila.

“Sumuko na po sila kasi hindi po namin sila titigilan. 'Yung mga tracker team namin wala pong oras na sasayangin,” sabi niya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.