Lalaki natangayan ng cellphone sa modus na budol-budol

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2020 06:25 PM

Nakasilid umano ang perang ipinatago ng matanda sa bag niya sa loob ng isang medyas. Larawan mula sa Facebook page ni Darren Esliza II

MAYNILA - Isang 21-anyos na lalaki ang naging biktima ng modus na budol-budol sa Monumento sa Caloocan City.

Ayon kay Darren Esliza II, papasok na siya sa trabaho nang lapitan at kalabitin ng isang matandang lalaki noong Oktubre 18.

“May isang matanda kumalabit sa akin kung saan nga daw po makahanap ng driver para ma-deliver 'yung kanilang isda,” sabi ni Esliza.

Watch more in iWantTFC

Sa panayam sa TeleRadyo nitong Biyernes, sinabi ni Esliza sa matanda na wala siyang alam o kakilala sa hinahanap nito.

“Saka nag-request siya kung pwede bang matulungan ko siya magtanong. May itinuro siyang lalaki sa harap namin,” sabi niya.

Saktong may kilala naman umano ang napagtanungan nilang lalaki na huli na nang mapagtanto niyang kasabwat pala ng matanda.

Naglakad umano silang tatlo hanggang sa makaabot sa isang gasolinahan kung saan inabutan pa sila ng matanda ng P200 bilang pang meryenda.

“Tumanggi po ako, sabi ko gusto ko lang tumulong. Nung nasa may gas station na kami pilit niyang pinapakita 'yung medyas na may pera. Ayun daw po pambayad sa driver na pagkukunan nila ng tulong,” sabi niya.

Ipinatago pa umano sa loob ng kaniyang bag ang nasabing pera. Pero nanghingi ang matanda ng kapalit ng umano’y tiwala sa kaniya kaya naibigay niya ang cellphone na nagkakahalaga ng P15,000.

Payo naman ni Police Col. Dario Menor, hepe ng Caloocan City Police, na magbigay ang biktima ng pahayag sa pulisya para agad na masimulan ang imbestigasyon sa kaniyang reklamo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.