MAYNILA — Magpapatupad ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng "stop and go" scheme sa EDSA at ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila kasabay ng Southeast Asian (SEA) Games, ayon sa tagapagsalita ng ahensiya.
Layon ng "stop and go" scheme, na ipatutupad mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 6, na mapadali ang pagbiyahe ng mga atleta at delegado ng SEA Games sa mga venue ng palaro, ayon kay MMDA Assistant Secretary Celine Pialago.
"Wala ho tayong guguluhin sa regular traffic na nararanasan sa EDSA or other primary roads. Patitigilin lang po sila (mga motorista) kapag nandiyan na 'yong convoy. Paglagpas ng convoy, balik-normal na ho ang sitwasyon," paliwanag ni Pialago.
Inabisuhan din ni Pialago ang mga motorista na asahan ang mas mabigat na daloy ng trapiko dahil magsasabay ang biyahe ng mga delegado ng palaro sa trapikong dulot ng holiday season.
"Alam natin 'ber' months... of course, magkakaroon ng ganitong malaking event so makakadagdag po ito sa mabigat na daloy ng trapiko," aniya.
Walang road closure o one-way traffic scheme na ipatutupad sa Metro Manila sa kasagsagan ng SEA Games maliban sa Adriatico Street at P. Ocampo Street sa Maynila.
Hindi bababa sa 15 venue sa Metro Manila ang pagdarausan ng mga palaro sa SEA Games at 20 hotel ang tutuluyan ng mga atleta at kinatawan mula sa ibang mga bansa sa Southeast Asia.
Naunawan naman umano ng ilang motorista ang pagpapatupad ng traffic scheme para sa SEA Games.
"Hindi naman po masyadong makaabala 'yan. Hindi naman aabutin ng maghapon 'yan eh," sabi ng motoristang si Julio Franco.
Inirerekomenda rin ng MMDA sa mga mall sa EDSA at malapit sa competition venue na huwag munang mag-sale habang may SEA Games.
Iminungkahi rin ng ahensiya na suspendehin muna ang pasok sa mga paaralan sa mga lugar na malapit sa competition venue mula Disyembre 2 hanggang 6.
Nasa 2,000 MMDA personnel ang ide-deploy sa competition venue habang ie-escort naman ng mga tauhan ng Highway Patrol Group ang mga convoy.
Magpapatuloy naman ang MMDA sa paghatak ng mga saskayang ilegal na nakaparada, lalo sa mga kalsadang malapit sa competition venues, ani Pialago.
"May deployment kami ng tow trucks, maniniket pa rin ang aming mga enforcers. Sumunod pa rin tayo sa batas trapiko," aniya.
Kabilang sa mga lungsod na pagdarausan ng mga palaro ang Maynila, Mandaluyong, Muntinlupa, Pasay, Pasig at Taguig. -- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, stop and go, traffic scheme, motorista, trapiko, Southeast Asian Games, 2019 SEA Games, SEA Games, EDSA, MMDA, Celine Pialago, TV Patrol, Ron Gagalac