Laoag veterinary office nagbabala sa sakit na 'erysipelas' sa baboy

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 05:01 PM | Updated as of Oct 23 2019 06:00 PM

Ang sakit ng baboy na tinatawag na erysipelas o diamond skin disease ay mula sa bacteria. Bukod sa mapupulang pantal, ilang sintomas pa nito ang lagnat at hindi masyadong makakain na baboy. Larawan mula kay Sheila Marie de Leon

LAOAG CITY – Nagbabala ang City Veterinary Office sa mga hog raiser laban sa sakit na erysipelas o mga ma mapupulang pantal sa balat ng baboy na tila mga kagat ng insekto.

Ito’y matapos na makitaan ng tulad na sintomas ang isang baboy na kinatay sa Laoag City Slaughterhouse noong Oktubre 6.

Ayon sa namumuno ng slaughterhouse, masigla at malinis naman ang itsura ng baboy bago ito kinatay.

“Nakita namin noong na-dehair na yung baboy may mga spots siya,” sabi ni Sheila Marie de Leon, namumuno sa slaughterhouse.

Sa hita at tenga ng baboy unang nakita ang mga pantal kaya dito nila hiniwa para makita ang karne nito.

“May lumabas na parang nana…talagang immediately, kahit wala yung City Veterinarian, pina-condemned na namin yung meat,” dagdag niya.

Kinumpirma naman ng City Veterinary Office na ito ay isang sakit ng baboy na tinatawag na erysipelas o diamond skin disease na mula sa bacteria.

Bukod sa mapupulang pantal, ilang sintomas pa ang lagnat at hindi masyadong makakain ang baboy.

"Treatable naman ito, kaya naman ng mga antibiotic natin,” sabi ni City Veterinarian, Dr. Arthuro Cabello. 

Sa imbestigasyon nila, napag-alaman na ang baboy na may diamond skin disease ay nanggaling sa isang farm sa Ilocos Norte na binili ng isang middle man.

Malinis daw ang baboy nang kinuha ito at kumpleto sa mga bakuna.

Nagtagal pa nang dalawang linggo sa kulangan ang baboy na maaring doon nakuha ang nasabing sakit.

Ang mga baboy na apektado ng sakit na ito ay hindi na pwedeng kainin.

Maaaring mahawa rin ang ibang baboy kaya naman inirerekomenda na kapag nakitaan ng sintomas, agad itong ipaalam sa Veterinary Office para mabigyan ng lunas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.