Higit 800 bus bibigyan ng special permit para makabiyahe sa Undas: LTFRB

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 11:59 AM

MAYNILA — Mag-iisyu ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng higit 800 special permit para sa mga bus na nais pumasada sa papalapit na Undas, ayon sa ahensiya nitong Miyerkoles.

Sa ilalim ng "Oplan Byaheng Ayos: Undas 2019" ng LTFRB, magbibigay daw sila ng 855 special permit para sa public utility buses na papasada mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3.

Ito ang mga panahong inaasahan ang bugso ng mga biyahero na mag-uuwian sa probinsiya upang alalahanin ang mga namayapang mahal sa buhay.

Ayon kay LTFRB technical division head Joel Bolano, mga bus na wala pang 10 taon, may insurance, at walang nakabinbing kaso ang papayagang makakuha ng special permit.

Nilinaw din ni Bolano na 25 porsiyento lamang ng operators bawat ruta ang maaaring bigyan ng special permit.


—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.