Dagdag-biyahero sa ilang terminals para sa Undas, inaasahan pa

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2019 03:36 PM

Inaasahang tataas pa ang bilang ng mga pasahero sa Araneta Center Bus Station at Bus Port sa Quezon City habang papalapit na ang Undas, ayon sa pamunuan ng dalawang terminal. 

Posibleng pumalo sa mahigit 3,000 ang bilang ng mga pasahero sa dalawang terminal sa mga susunod na araw, ayon kay Ramon Legazpi, General Manager ng bus station at port ng Araneta Center. 

Posible aniyang magsimulang dumagsa ang mga tao sa bus station at bus port pagdating ng Oktubre 25 (Biyernes). 

Tiniyak naman ni Legazpi na sapat ang bilang ng mga bus, gayunman magdadagdag sila ng mga bus sakaling may mangyaring aberya. 

Magsasagawa naman ng mga inspeksiyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para masiguradong sumusunod ang mga bus company at operators sa mga security protocol at maayos ang kanilang mga pasilidad gaya ng mga waiting area at mga palikuran. 

Paiigtingin din nila ang kanilang kampanya kontra sa mga kolorum na mga sasakyan. 

NAIA HANDA NA RIN 

Samantala, ipakakalat naman sa Ninoy Aquino International Airport ang mga "oplan" help desk upang matugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga tao sa paliparan. 

Bahagi ito ng "Oplan Biyaheng Ayos" ng Manila International Airport Authority. 

Ipakakalat din ang mga "Malasakit Help Desks" para sa ano mang tanong na may kinalaman sa operasyon ng airline at mga airport gaya ng karapatan ng mga pasehero.

Nanawagan si MIAA General Manager Ed Monreal sa mga pasahero na dumating nang maaga sa NAIA para sa kanilang mga flight, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga pasahero. 

Ipinapayo ni Monreal dapat dumating ang mga gagamit ng international flights 3 oras bago ang kanilang mga flight. Kung gagamit naman ng local flights, dapat nasa paliparan na 2 oras bago ang flight. 

-- May ulat nina Raya Capulong at Henry Atuelan, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.