Umano’y NPA member, patay sa engkuwentro sa Bukidnon

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 08:45 AM

Isa halos nasa 30 rebelde na nakasagupang militar ang nasawi sa bakbakan sa Bukidnon. Larawan mula sa 4th Infantry Division ng Philippine Army

BAUNGON, Bukidnon - Patay ang isa umanong miyembro ng New People’s Army (NPA) sa naganap na sagupaan sa Barangay Lacolac sa nasabing bayan, Linggo ng umaga.

Ayon kay 1Lt. Tere Ingente, tagapagsalita ng 4th Infantry Division, nagsagawa ng operasyon ang 65th Infantry Battalion matapos makatanggap ng impormasyon na may presensya ng armadong grupo sa lugar.

Tumagal ng halos 40-minuto ang bakbakan sa pagitan ng mga sundalo at tinatayang nasa 30 rebelde mula sa Guerilla Front Committee 68 ng North Central Mindanao Regional Command.

Matapos ang engkuwentro, natagpuan ang bangkay ng hindi pa nakikilalang miyembro ng NPA katabi ang isang M16 rifle.

Nakuha rin ang mga bala, pinatuyong dahon ng marijuana, na inilagay sa pakete ng noodles, at mga personal na gamit ng namatay.

"Hindi na sana ito mangyayari kung ang taong ito ay tumugon sa panawagan ng 4th ID na sumuko na lang sa halip na makipaglaban sila sa kabukiran. Handa kaming i-assist sila sa E-CLIP (Enhanced Comprehensive Local Integration Program)," sabi ni Ingente. 

Nasa kustodiya na ngayon ng Baungon Police Station ang bangkay at hinihintay ang mga kamag-anak para kunin ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.