Sundalo patay, 1 pa sugatan sa engkuwentro sa CamSur

Rizza Mostar, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 06:40 PM

Photo by Rizza Mostar, ABS-CBN News

BATO Camarines Sur - Patay ang isang sundalo matapos makasagupa ng militar ang umano'y mga miyembro ng New People's Army sa bayang ito nitong Lunes.

Kinilala ang namatay na sundalong si Frederick Pasco, 29, tubong Cagayan de Oro. Sugatan naman at nagpapagaling sa ospital ang kasama niyang si Private First Class Reynaldo Aquino.

Ayon sa militar, aabot sa 20 ang bilang ng mga rebeldeng nakasagupa ng mga sundalo ng 83rd Infantry Battalion sa Barangay Mainit. 

Nagsagawa anila ng operasyon ang tropa sa naturang barangay matapos makatanggap ng sumbong mula sa ilang residente doon. Nakatakas naman ang mga rebelde matapos ang bakbakan.