Pagguho ng lupa sa Naga, Cebu 'kakaiba,' ayon sa awtoridad

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 01:54 PM | Updated as of Sep 16 2019 01:14 PM

Abala ang mga rescue worker sa paghahanap sa mga biktima ng pagguho ng lupa sa Sitio Sindulan, Barangay Tina-an, Naga City sa Cebu Huwebes, Set. 20, 2018. Jojo Satuita, Cebu DNG

MAYNILA- Kakaiba ang nakamamatay na pagguho ng lupa sa bayan ng Naga sa Cebu noong nakaraang buwan ayon sa ulat ng Mines and Geosciences Bureau (MGB).

Sa inilabas na ulat ng ahensya, sinabi nitong hindi ordinaryo ang porma ng mga bato at lupa sa "ground zero" kung saan naganap ang pagguho ng lupa.

"May mga kweba at namuong tubig sa ilalim na siyang unti-unting tumunaw sa pundasyon," ani Liza Manzao, supervising geologist ng MGB.

Watch more in iWantTFC

Paliwanag pa ni Manzao, madaling lumambot ang lupa sa lugar dahil rin sa mga limestone.

Hindi bababa sa 77 ang namatay sa pagguho ng lupa sa Sitio Sindulan, Barangay Tinaan noong Set. 20 habang nasa 60 bahay naman ang natabunan ng lupa.

Dagdag pa ni Manzao, nagsimula umanong lumambot ang lupa sa lugar matapos ang malalakas na lindol.

"Ang landslide area, malapit lang din sa isang aktibong fault zone sa Cebu," aniya.

Napansin rin aniya ng MGB na maraming maliliit na sinkhole at bitak sa lugar kung saan nangyari ang pagguho ng lupa.

Nakadagdag rin daw ang mga quarry operation sa lugar kaya lalong lumambot ang lupa.

Samantala, hinihintay pa ng mga residenteng lumikas ang ulat mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) tungkol sa kaligtasan ng lugar upang tirhan.

Ayon kay Kristine Chiong, alkalde ng Naga, handa na ang relocation site para sa mga lumikas na residente ngunit kailangan pa aniya ng ulat ng DENR.

"May relocation site na pero hindi magiging ganoon kadali ang paglipat sa kanila dahil kakailanganin pa nila ang mas klarong listahan mula sa DENR," ani Chiong.-ulat ni Joworski Alipon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.