Lalaking hindi nag-ambag ng bayad sa inuman, sinaksak

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 01:30 AM

ILOCOS NORTE - Nasa intensive care unit (ICU) ang isang construction worker matapos saksakin ng katrabaho sa Barangay 5, Sarrat, Ilocos Norte Linggo ng gabi.

Nahuli naman ng mga pulis ang 24 anyos na suspek, residente ng Allacapan, Cagayan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman ang 2 sa isang videoke bar nang magkainitan dahil sa babayaran nilang mga inumin.

Nagsuntukan ang 2 hanggang sa masaksak ng suspek ang biktima.

Paliwanag ng suspek, hindi nag-ambag ng bayad ang biktima. Ang biktima pa umano ang nagyaya sa kaniya at 2 pa nitong kasama para uminom sa bar.

Kasalukuyang nasa ICU ng Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital ang biktima na nagtamo ng sugat sa tiyan.

Bukod sa kasong frustrated homicide, mahaharap din ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos makuhanan ng hinihinalang marijuana at shabu. - ulat ni Grace Alba, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.