Ilang pro-Duterte, pro-Marcos FB page tinanggal dahil sa 'pagkakalat ng spam'

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 12:06 PM

Tinanggal ng Facebook nitong Martes ang 95 pages at 39 accounts mula sa kanilang social network, kabilang ang ilang page na sumusuporta umano kay Pangulong Rodrigo Duterte, dahil sa paglabag sa ilang polisiya.

Kabilang dito ang mga Facebook page na Duterte Media, Duterte sa Pagbabago BUKAS, DDS, Duterte Phenomenon, DU30 Trending News, Hot Babes, News Media Trends, Bossing Vic, Pilipinas Daily News, Like and Win, Manang Imee, at Karlo ang Probinsiyano.

Paliwanag ng Facebook, mga walang kalatoy-latoy ang nilalaman ng mga pahina, at inaanyayahan lang ang mga bumibisita sa pare-parehong ad pages.

"[These pages violated] our spam and authenticity policies by encouraging people to visit low quality websites that contain little substantive content and are full of disruptive ads," anila sa isang pahayag. 

Aabot sa 4.8 milyon ang followers ng isa sa mga account na tinanggal ng Facebook.

"This takedown is a small step in the right direction, and we will continue working to find and remove more bad content," dagdag nila. 

Ayon sa Facebook, aabot na sa 20,000 katao ang nagpapanatili ng seguridad ng kanilang website matapos nilang magdagdag ng mga empleyado nitong taon. 

Sa bisa ng mga ulat galing sa users at mga teknolohiya tulad ng machine learning at artificial intelligence, mas natutunton umano ng Facebook ang mga page na lumalabag sa kanilang mga polisiya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.