DOLE, employers magpupulong ukol sa panukalang dagdag-sahod

ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 10:24 AM

MAYNILA - Nakatakdang makipagpulong ang Department of Labor and Employment sa grupo ng mga employer para sa hinihiling na dagdag-sahod, ani DOLE Sec. Silvestre Bello III nitong Martes.

"Nagkaroon na ng meeting between yung aming grupo at saka workers, labor groups, tapos na sila. Ngayon, imi-meet naman ng aming grupo yung mga employer," sabi ni Bello sa panayam ng DZMM.

Sinabi ni Bello na kapag mayroon nang napagkasunduan, isusumite ng Regional Tripartite Wage Board ang kanilang suhestiyon sa komisyon.

"Then the commission will approve whatever wage adjustment that the Regional Tripartite Board will recommend," sabi ni Bello.

Naghain ng petisyon para sa P334 wage adjustment and Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) para sa National Capital Region dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng bilihin.

Kasalukuyang nasa P512 para sa 8 oras na pagtatrabaho ang minimum wage sa Metro Maynila. Mas mababa naman ito sa sahod sa mga probinsiya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.