Bangkay ng lalaking nalunod sa Cagayan River, natagpuan na

Joey Taguba Yecyec, ABS-CBN News

Posted at Oct 23 2018 05:27 PM

Nahanap na rin ang bangkay ng isang lalaki na naiulat na nawawala matapos na malunod sa Cagayan River sa Cagayan de Oro.

CAGAYAN DE ORO – Nakita na ang bangkay ng isang lalaki, 2 araw matapos na malunod habang naglalangoy sa Cagayan River.

Martes ng umaga nang kumpirmahin ng pamilya Arabala na ang bangkay na nasa gilid ng ilog ay ang bunsong anak na si Danilo.

Ayon sa nakakita, palutang-lutang sa tubig at nasabit sa kawayan ang katawan ng biktima.

Linggo ng umaga nang magpaalam ang biktima na sasama sa mga kaibigan para dumalo sa isang pagtitipon.

Sabi ng isa niyang barkada, nahikayat silang maligo sa ilog dahil sa init ng panahon habang naglilinis ng motor ang iba nilang kasamahan.

Nahirapan daw silang lumangoy papunta sa kabilang bahagi ng ilog dahil sa lakas ng agos ng tubig kaya nalunod si Danilo.

Marami na umano ang namamatay sa paglangoy sa Cagayan River kaya nagpaalala ang awtoridad sa publiko na maging alerto tuwing maliligo sa ilog. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.